Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

CARA MO AN

Blog EntrySep 28, '09 2:42 AM
for everyone


Ang petsang Setyembre 26, 2009 ay maihahanay sa mga araw ng kasaysayan na mahirap makalimutan. Ito ang araw nang dalaw ng bagyong Ondoy na nagdulot ng pinakasukdulang sakuna sa buhay at ari-arian ng mga taga kalakhang Maynila, at higit pang nakalulunos ang sinapit sa ibayong lugar ng Cainta at Marikina, na maraming buhay ang nasawi.

Nitong kalilipas na mga araw lamang, napuspos na walang pasok ang lahat ng antas ng akademya, sarado ang mga karaniwang tanggapan ng mga sangay pamahalaan at boluntaryong tanging bukas ang ilang pribadong opisina at pagawaan,  bilang pagpupugay at paggunita sa sunod-sunod na mga dakilang araw ng kasaysayan, tulad ng araw libing para kay dating Pang. Cory Aquino (5 Agosto), Ninoy Aquino day (21 Agosto) Araw ng mga Bayani (31 Agosto), Nat’l. Mourning for death of Minister Erano Manalo (7 Setyembre) at Feast of Ramadhan (21 Setyembre).   

Nitong nakaraang Sabado, Setyembre 26, 2009, suspendido at walang pasok din ang lahat na mga  nabanggit na  tanggapan dahil sa kaganapang kalamidad na dala ng bagyong Ondoy.  Matindi ang pagkalugmok na sinapit ng kalakhang Maynila at karatig pook, kung kaya’t inanunsyo na rin ng pamahalaan na walang pasok sa lahat ng antas ng akademya ngayong Lunes at Martes, nagmistulang pyesta opisyal na naman ang kalakaran sa Maynila.

Ang bagyong Ondoy ay hindi naman maihahambing bilang isang malakas na bagyo. Napakahina nito kumpara sa pinakamalakas na naitalang bugso ng hangin ng bagyong Sening noong Octobre 1970, Rosing- Nob. 1995, at Loleng – Okt. 1998. Subalit, ang bagyong Ondoy ang magpapataob sa rekord ng pinakamagastos na salantang iniwan ng bagyong Ruping noong Nobyembre 1990.

Ang bagyong Ondoy ay higit na makikilala sa taglay nitong tatak na may pinakamalakas at malawakang buhos ng ulan na maaring di pa nangyari sa nakalipas na daang taon.

Ngayon ko lang muling naalala ang dating silid aralan sa Central Luzon State University (CLSU), nung panahon ng aking karera sa kolehiyo,  ang aralin namin sa Hydrology. Napag-aralan namin ang mga paksa tungkol sa “precipitation”, “recurrence period” at “probability”. Para sa akin, ang mga tabulasyon na tadtad ng mga datus tungkol sa ulan ay mga malalamig lamang na estadistika, subalit ngayon, may kilabot akong nararamdaman sa paglingon sa mga nagdaang alaalang kakambal ang sungit ng panahon, na tila papaiksi nang papaiksi ang pag-uulit ng mga pangyayari at papalapit nang papalapit ang mga maaari pang mangyari.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ang bagyong Ondoy ay nagtala ng 341mm antas ng kapal ng ulan sa loob lamang ng 6 na oras, sa makatuwid baga, ay humigit kumulang, nasa 57mm kada ora lakas ng buhos ulan, na malayong hinigitan ang nakaraang talang 341mm na bumuhos sa loob ng 24 oras  sa kalakhang Maynila  noong 1967 - 42 taon na ang nakaraan.

Ayon sa panukat ulan, ang precipitation rate na 0.25mm/hr – 1.0mm/hr ay masasabing manipis na ulan (light rain), ang sumusunod pang antas ay tinatawag na moderate rain, heavy rain, very heavy rain at extreme rain na may precipitation rate na higit pa sa 50mm/hr. Samakatuwid, pasok sa pinakasukdolang antas ang naitala ng bagyong Ondoy sa lakas na 57mm/hr.

Ang nangyaring malawakang pagbaha ay bunsod din ng pambihirang pagkakasabay-sabay na pagkakaroon din ng malakas na ulan sa mga katabing lalawigan, tulad ng Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan at Pampanga. At naging animo  palangganang sumasahod na nakaabang ang Metro Manila. Idagdag pa na napuno na ng sementadong kaunlaran ang ating kasalukuyang kabihasnan, at nakikiraan lamang ang kalikasan.

Kinabukasan ay Linggo. Niyaya ko ang buong pamilya, mga  kasambahay at katuwang sa hanapbuhay, sama-samang nagsimba at nagpapasalamat sa pagkakaligtas sa bingit ng trahedya sa aming buhay. Alam ko, at akala ko ay wala nang uurungan, kalahating pulgada na lamang para sumampa ang baha, na maaaring lumunod at gumunaw sa aking maliit na kabuhayan.

Pagkatapos sa simbahan, isang masaganang tanghalian ang aming pinagsalo-saluhan.


Add a Comment